Inilahad ni Ruffa Gutierrez na single siya ngayon matapos silang maghiwalay ni Herbert Bautista noong nakaraang taon. Gayunman, mayroon daw siyang mga ka-text na nagpapakilig sa kaniya.

Sa programang “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes, nilinaw ng aktres at beauty queen na hindi siya nakikipag-date bagaman mayroon siyang mga ka-text.

"I think that space kasi just became much bigger with Herbert," saad ni Ruffa.

"We are still friends, we communicate regularly. Kung may advice akong kailangan kinakausap ko pa rin siya, minsan tumatawag din siya sa akin. But I have not seen him face to face since we broke up last year," patuloy niya.

Idinagdag pa ni Ruffa, na may mga bagay na hindi nila kontrolado na naging dahilan para dumaan sila sa iba't ibang yugto ng kanilang buhay ni Herbert.

"Not all storybooks are meant to last forever. Sometimes, you just enjoy that chapter, then you close the book, and move on," ayon sa aktres.

Idinagdag ni Ruffa na malaki ang naging impluwensiya sa kaniya ni Herbert para bumalik siya sa pag-aaral.

Kinumpirma ni Ruffa ang kanilang relasyon noong 2024. Sa isang panayam sa “Fast Talk” noong Hunyo 2025, inamin ni Ruffa na dumaraan sila ni Herbert sa isang mahirap na yugto ng kanilang relasyon at hindi sila nag-uusap noon.

Noong Mayo, nag-alay siya ng isang madamdaming mensahe para sa kaarawan ni Herbert.

Kabilang si Ruffa sa mga cast member ng pelikulang “Red Crown” ng GMA Pictures. Mapapanood ito sa mga sinehan sa bansa simula ngayong Miyerkules, Oktubre 28.—Nika Roque/FRJ GMA News