Bukas na ang 24/7 parking area sa LRT-1 Dr. Santos Station sa Parañaque City, ayon sa Light Rail Manila Corporation (LRMC).

Sa anunsyo nitong Miyerkoles, sinabing inilaan ang parking area para sa mga commuter ng LRT-1 na nais iwan ang kanilang sasakyan, at sasakay na lang sa tren patungo sa kanilang mga destinasyon.

Pinapangasiwaan ng GlobalParking Management, Inc., ang naturang pasilidad.

Ang parking fees ay nagkakahalaga ng:

  • Cars/SUVs: P40 sa unang 5 oras (+ P10 / succeeding hour)
  • Motorcycles/e-bikes: P30 flat rate para sa unang 8 oras (+ P5 / succeeding hour)
  • Overnight Parking (10pm to 7am): P100

Mayroon itong 93 parking slot para sa mga kotse at 100 slot para sa mga motorsiklo at e-bike.

Mayroon din itong 24/7 security, CCTV surveillance, at mga automated boom gate para sa seguridad ng mga iiwanang sasakyan.

Samantala, maaaring makapagparada nang libre ang mga person with disability (PWD) at senior citizen sa pamamagitan lamang ng pagpapakita ng kanilang mga balidong ID.

Kabilang ang Dr. Santos Station sa mga karagdagang istasyon ng LRT-1 na binuksan noong Nobyembre 2024 bilang bahagi ng Cavite Extension project. Kabilang din sa mga istasyong binuksan noon ang Redemptorist–ASEANA MIA Road PITX at Ninoy Aquino. -- Vince Angelo Ferreras/FRJ GMA News