Nasabat ang 350 kilos ng meat products sa ikinasang entrapment operation ng National Meat Inspection Service (NMIS) at National Bureau of Investigation (NBI) sa isang bahay sa Pasay City.

Nakalagay sa mga freezer ang kilo-kilong meat products na karamihan ay smuggled na galing sa China at may ilan ding local meat products.

Ayon sa NMIS, ibinebenta online ang mga karne na walang kaukulang dokumento.

Dalawang beses nagsagawa ng test buy ang mga awtoridad bago ikinasa ang operasyon.

“Ito ay nanggaling sa countries na hindi natin ina-allow na mag-export dito sa atin. Dahil hindi natin nakita 'yung proseso kung paano nila kinakatay at hinahandle ito. Hindi tayo nakasisiguro, baka ito ay magdulot ng health hazard sa mga taong kakain. Even 'yung local kinakailangan dumaan din sa tamang proseso; dapat nainspeksyon ito ng controlling authority,” ani Dr. Fernando Lontoc, executive director ng NMIS.

Kabilang sa mga nakuhang imported meat products ang peking duck, yellow chicken, at palaka.

Sa local products, mayroong rabbit, gansa, at black chicken.

Sa kabuuan, nagkakahalaga ang karne ng P183,000.

Inaresto ang dalawang Chinese nationals na inabutan sa bahay. Sila ay sasampahan ng reklamong paglabag sa Meat Inspection Code of the Philippines.

Sinusubukan pa silang makunan ng pahayag.

“Ang nakikita namin na bumibili ng ganitong produkto ay 'yung mga Chinese din ang mga kliyente nila,” dagdag ni Dr. Lontoc.

Dadalhin sa isang rendering facility ang mga nasabat na karne para ma-dispose.

Nagpaalala naman ang NMIS sa mga bumibili ng meat products online na patok daw lalo na ngayong magpa-Pasko.

“Yung ating mga mamimili minsan natutukso sa mga ganito kasi nga medyo mura. Huwag na tayo magbakasakali. Siguraduhin na lang natin 'yung pinagkukunan natin ay tiyak at may mga kaukulang dokumento,” paalala ni Dr. Lontoc. —AOL GMA News