Nakabalik na sa Pilipinas ang 800 Pilipinong ipinatapon mula sa Malaysia at agad na nakatanggap ng tulong mula sa pamahalaan pagdating nila sa Zamboanga City, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office sa Zamboanga Peninsula nitong Sabado.
Sa isang pahayag, sinabi ng DSWD Field Office IX na sa pamamagitan ng Processing Center for Displaced Persons (PCDP), nagbigay sila ng tulong sa mga Pilipino matapos dumaong ang sinakyan nilang barko sa Zamboanga Port dakong 8:00 pm nitong Biyernes.
Nagmula ang mga umuwing Pilipino sa tatlong detention center sa Sandakan, Papar, at Tawau sa Malaysia.
Sila ang ikalawang batch ng mga deportee na tinanggap ngayong taon kasunod ng pagpapatuloy ng repatriation operations. Dumating naman sa bansa ang unang batch noong Enero 2026.
Sa kabuuang 800 deportee, 589 ang lalaki, 89 ang babae, 64 ang mga batang lalaki, at 58 ang mga batang babae. Samantala, pala pang 12 anyos ang lahat ng menor de edad na umuwi.
Ayon sa regional office ng DSWD, pinangasiwaan nila ang pagtanggap sa mga Pilipino at nagbigay ng agarang tulong, kabilang ang pagkain, sa pakikipag-ugnayan sa mga katuwang na ahensiya.
Pinangunahan ng PCDP ang pagtanggap sa mga deportee, katuwang ang International Organization for Migration (IOM), Philippine Red Cross, Action Against Hunger, City Engineer's Office, Office of the City Environment and Natural Resources (OCENR), Office of Civil Defense (OCD), Department of Health (DOH), Philippine Coast Guard, Philippine Air Force, Philippine National Police (PNP), CDRRMO, at Pamahalaang Lungsod ng Zamboanga.
Pagdating sa Pilipinas, inilipat ang mga Pilipino sa PCDP para sa karagdagang proseso at pagsusuri upang matukoy ang kani-kanilang pangangailangan at ang angkop na tulong na dapat nilang matanggap.
"DSWD FO IX continues to coordinate with partner agencies to ensure the orderly reception, assessment, and provision of necessary support to returning Filipinos as they prepare to reunite with their families and communities," saad nito. — Jamil Santos/FRJ GMA News

