Aakalaing mga tunay na bulaklak o panghimagas ang mga produktong kandila ng isang mommy dahil bukod sa aesthetic, mabango pa ang mga ito. Kaya naman ang kaniyang kita, paldo rin kada buwan.

Sa nakaraang episode ng “Pera Paraan,” itinampok ang negosyong customized candles ni Rhazel Hipolito.

“Basta ‘pag nandu’n ako sa kuwarto ko, tapos gagawa na ako ng candles, parang nare-relax ako. Parang ine-enjoy ko siya talaga, 'yung paggawa,” sabi ni Rhazel, na ginagawa ang mga kandila sa loob lang ng kaniyang bahay.

Kaya kahit anong maisip ng customer, kaya niya itong i-transform at lagyan ng mitsa.

Ilan sa kaniyang mga produkto ang mga bungkos ng bulaklak na aakalaing tunay, pati ang perfect pair na desserts.

“Pag sinabi mo kasing candles, ang iniisip ng ibang tao, 'yung nasa jar lang, 'yung pangsimbahan, 'yung gano’n. So nalalaman ko na marami kang puwedeng gawin. Puwede ka maging creative, kung ano man 'yung request din ng taong bibili sa'yo,” sabi niya.

Noon pa man, mahilig na sa arts and crafts si Rhazel, na nagtulak sa kaniya para mag-umpisa ng negosyo.

Nagsimula si Rhazel sa puhunang P5,000 at inilako muna ang homemade candle sa mga kakilala, para pandagdag-kita sa kaniyang full-time job.

“Nu’ng nagsa-start po ako, 'yung iniisip ko nga, paano siya ima-market? Kasi hindi po ako magaling mag-describe ng scent sa tao. So, siyempre online mo lang siya ibebenta. So, makikita lang nila 'yung jar. Ang na-discover ko po noon is merong mga dessert na scent. Parang kakaiba siya,” kuwento niya.

Ginawa niya ang mga panghimagas ng scents bilang mga kakaibang kandila na match sa amoy nito. Dito na nag-umpisang mapansin ang kaniyang homemade candles.

Gayunman, naapektuhan noon ng kaniyang small business ang pagtatrabaho bilang virtual assistant.

“‘Yung time management, mahirap kasi meron din akong toddler na inaalagaan, tapos kailangan magawa ko pa 'yung work ko dun sa pag-VA ko. Eh parang mas nag-e-enjoy po akong gumawa ng candles kesa doon.”

Naging mabigat ang desisyon ni Rhazel na i-let go ang full-time na trabaho.

Matapos mas matutukan ni Rhazel ang negosyo at mas nagka-oras sa pamilya, dagsang orders ang balik sa kaniya nito. Nakagagawa na siya ng daan-daang candle products linggo-linggo sa loob lang ng kanilang bahay.

Nagliliwanag na ang kita ni Rhazel na umaabot ng 5 to 6 digits kada buwan.

Tunghayan sa Pera Paraan ang proseso ni Rhazel sa kaniyang customized candles, at ang pagsalang ni Susan Enriquez sa paggawa ng mabangong candle bouquet. Panoorin. – FRJ GMA News