Isang security guard ng convenience store ang nasawi matapos siyang barilin ng holdaper na tinangka niyang pigilan sa Morong, Rizal.

Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Miyerkules, mapanonood ang paglapit ng isang lalaking nakaputing long sleeves at sumbrero sa kahera ng tindahan sa Barangay Maybancal pasado 4 a.m. nitong Martes.

Maya-maya pa, bigla nang bumunot ng baril ang lalaking animo'y customer at nagdeklara ng holdap.

Inagaw ng lalaki ang hawak na eco-bag ng kahera, binuksan ang cabinet at kumuha ng ilang gamit at isinilid sa bag.

Kinuha rin niya ang pera na nasa kaha habang naghintay sa pintuan ng tindahan ang kasama niyang lookout.

Rumesponde ang isang security guard ng convenience store. Gayunman, itinulak siya ng suspek at tinutukan ng baril sa likod.

Nagpambuno ang security guard at ang suspek, hanggang sa malapitang pinaputukan ng suspek sa ulo ang security guard.

Duguang humandusay sa sahig ang biktima.

Lumabas sa imbestigasyon ng Morong Police na nasa staff room ang 29-anyos na security guard nang pumasok ang mga salarin sa convenience store.

Na-monitor niya sa kanilang CCTV system ang panghoholdap kaya agad siyang lumabas.

"Bilang guwardiya, ginawa rin niya ang role niya as security guard sa establishment na 'yun. So nu'ng nakita niya, lumabas siya para i-approach 'yung mga suspect. So ang sabi ng suspect, 'Wag ka nang mag-react, babarilin kita.' So 'yun na. Lumapit pa rin siya. Nag-attempt siya na bubunot ng baril niya. Kaso hinawakan na siya ng suspek sa likod. So, 'yun, binira na siya sa ulo," sabi ni Police Major Edzel Macasero, hepe ng Morong Police.

Dead on the spot ang biktimang security guard, na dalawang buwan pa lamang sa kaniyang trabaho.

Samantala, tinangay ng mga suspek ang P10,000 na pera ng tindahan, ayon sa pulisya.

Sa follow-up operation, natukoy ng pulisya ang pagkakakilalanlan ng isa sa mga nangholdap sa tulong ng saksi.

Kasama sa mga naulila ng security guard ang limang buwang gulang niyang anak.

"Siyempre po, masakit po sa amin. Lalo pa, maliit pa masyado 'yung anak niya. Nagtatrabaho nang marangal tapos gan'un pa 'yung nangyari. Sana makunsensiya sila at makamit namin 'yung agarang hustisya kasi buhay 'yung kinuha nila dito," sabi ng kaanak ng nasawi.

Patuloy ang pagsasagawa ng backtracking ng pulisya para mahanap at madakip ang mga holdaper na mahaharap sa reklamong homicide.

Sinusubukan pa ng GMA News na kunan ng pahayag ang pamunuan ng convenience store. — Jamil Santos/ VDV GMA News