Nauwi sa trahedya ang pagbebenta ng cellphone ng isang binata matapos siyang masawi nang mahulog mula sa isang umaandar na SUV sa EDSA, Ortigas. Ang biktima, sumabit sa sasakyan ng nagpanggap na buyer at itinakas ang cellphone.

Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, makikita sa dashcam footage ang isang lalaki na nakakapit sa gilid ng isang sasakyan habang umaandar sa southbound lane ng EDSA sa bahagi ng Ortigas nitong Linggo dakong 6:00 pm.

Ngunit nahulog ang lalaki at hindi huminto ang SUV.

Nakilala ang biktima na si Mohammad Sheikdugar, 23-anyos, na binawian ng buhay sa ospital dalawang araw matapos mangyari ang insidente .

“Pagdating ko sa emergency room, sina-suction na ang pasyente kasi bleeding, hemorrhage, kinabukasan na-coma na hindi na makapagsalita,” sabi ng ina ni Mohammad na si Muslima Sarib.

Pumanaw si Mohammad nitong Martes.

Hindi pa batid kung sino ang driver ng SUV, ngunit sinabi ng ina ng biktima na isa itong scammer na nagpanggap na bibili ng cellphone ni Mohammad.

Ayon pa sa ginang, kasama ni Mohammad ang kaniyang nobya na si Donalyn nang makipagkita sila sa umano'y buyer sa isang fast food restaurant sa Greenhills.

Nang magkita sila, sinabi umano ng buyer na hindi ito makahanap ng mapaparadahan at pinasakay si Mohammad at kaniyang nobya sa SUV.

Ayon sa ulat, kung anu-ano ang sinabi ng lalaki upang lituhin ang biktima hanggang sa makuha nito ang cellphone.

Nangako umano ang buyer na magbabayad sa bangko. Pagdating nila sa bangko, inutusan umano nito si Donalyn na bumaba at alisin ang bagay na nakaharang sa parking area. Pero hindi pa rin ipinarada ng driver ang sasakyan.

Dito na umano nagduda ang magkasintahan.

Nang ipakuha ni Mohammad kay Donalyn ang cellphone, tumanggi umano ang buyer at nagsabing may dala siyang baril.

Bumaba si Mohammad upang tangkaing harangan ang sasakyan, ngunit umatras ito para umalis. Dahil dito, kumapit ang binata sa gilid ng SUV na mabilis na umaandar. Naiwan naman si Donalyn sa lugar.

Mula sa Greenhills, patuloy na kumapit si Mohammad sa SUV hanggang sa mahulog siya sa bahagi ng Ortigas.

Hindi malinaw na nakunan sa dashcam footage ang plaka ng SUV. Iyon lamang ang nag-iisang video na hawak ng pamilya ng biktima.

Sinisikap pa ng GMA News na makuhanan ng panig ng Mandaluyong Police at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), ngunit wala pa silang tugon. — Jean Mangaluz/FRJ GMA News