Iniinda pa ng 19-anyos na lalake ang kirot matapos mahiwa ang kanyang ulo, 'yan ay habang umaawat umano siya sa riot ng mga kabataan sa Sampaloc, Maynila.

Sa kuha ng CCTV sa Brgy 534, makikita ang dalawang lalaki na parehong may bitbit na hindi tukoy na bagay.

Maya Maya, inihagis ng isa sa kanila ang hawak hawak niya kung saan napayuko ang biktima. Nakatakbo pa siya papalapit sa dalawang lalaki pero bigla siyang napahawak sa kanyang ulo at lumayo.

"Umaawat lang po ko non, hinahanap ko po yung pamangkin ko," sabi ng biktima.

Agad siyang isinugod sa ospital at kinailangang tahiin ang sugat sa kanyang ulo na napag alamang galing sa sirang itak, ayon sa barangay.

Desidido raw magsampa ng reklamo ang biktima laban sa lalaking nakasakit sa kanya.

Ayon sa Barangay 535, kaaway ng kanilang mga residente ang grupo ng mga kabataan mula naman sa kabilang barangay.

Pero ang dahilan nito, ang pagsugod daw ng isang matandang babae na dayo lang sa kanilang lugar.

Sabi ng Barangay 535, nagalit ang matanda matapos siyang pagtripan ng mga kabataan nang una siyang magpunta sa lugar para hanapin ang nawawalang bike ng kanyang apo.

Nagsama raw ng mga kamag anak ang matanda at dito na nagsimula ang riot.

"Nangyari is parang may kumuhang video na kine kengkoy daw yung matanda, may nag upload dun sa gc ng mga kabataan," sabi ni Kagawad Christian de Guia.

Dahil sa nangyari, nasugatan din ang tanod ng Brgy 535 na si Armando matapos namang madapa habang hinahabol at inaawat ang mga kabataang nagkakagulo.

Nasugatan din ang isang police corporal habang sinusubukang arestuhin ang isa sa mga lalaking sangkot umano sa gulo

Sa kuha ng CCTV, makikita ang isang lalaki na biglang tumakbo at hinabol ng pulis.

Sa isang banda makikita pa na nakalabas at naitutok pa ng pulis ang kanyang baril sa lalaki.

Sa sumunod na anggulo, makikita na ayaw magpa aresto ng lalaki hanggang sa nabagsakan ng kahoy na hagdan ang pulis.

Dito na dumating ang isa pang pulis na tumulong sa pag aresto sa lalaki. Bukod sa kanya, hinuli rin ang isa pang lalaki na kapatid ng biktima na nahiwa ang ulo.

Sabi ng pulisya, kasama siya sa mga sakay ng tricycle na pinara ng mga pulis kung saan nakuha ang isang pamalo.

Makikita rin sa CCTV na ibinigay ng barangay na habang isinasakay sa motor ang isa sa mga hinuli, tila hinampas ng pulis ang lalaking unang tumakbo.

Sabi ng Barangay 535, walang kinalaman sa gulo ang dalawang inaresto.

Nasampahan na ng patong patong na reklamo ang dalawang nahuli kabilang ang resistance and disobedience to a person in authority.

Sinusubukan pa natin makuhanan ng pahayag ang dalawa na nasa kustodiya ng Sampaloc Police Station.

Sabi ng pulisya, patuloy pa ang kanilang imbestigasyon para masampahan din ng reklamo ang iba pang sangkot sa nangyaring gulo. —VAL GMA News