Ibinasura ng mga miyembro ng makapangyarihang Commission on Appointments (CA) ang kumpirmasyon ni Social Welfare Secretary Judy Taguiwalo nitong Miyerkules. Si Taguiwalo ang ikatlong kalihim ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi nakalusot sa CA.
Inilabas ng mga senador at kongresista na kasapi ng CA ang desisyon matapos ang closed-door executive session.
Bago si Taguiwalo, una nang hindi nakalusot sa CA sina Perfecto Yasay Jr. bilang Foreign Affairs Secretary at si Gina Lopez bilang Environment Secretary.
Una rito, sinabi ni Taguiwalo na umaasa siyang makalulusot sa CA kung ang pagbabatayan ang kaniyang kakayahan at integridad.
Umupo pa si Taguiwalo sa session hall gallery upang hintayin ang desisyon ng CA.
Nang mabasura noon ang kompirmasyon nina Yasay at Lopez, hindi na silang dumalo sa plenaryo para hintayin ang pasya ng CA matapos makatanggap ng paunang impormasyon.
Bago ang pasya ng CA, dalawang ulit na "nilampasan" ng lupon ang kompirmasyon ni Taguiwalo.
Si Davao Oriental Rep. Joel Mayo Almario, pinuno ng CA committee on labor, employment and social welfare, ang nag-anunsyo na mayorya sa mga miyembro ng CA ang bumoto kontra sa kompirmasyon ni Taguiwalo.
Labingtatlong boto ang kailangan para makuha ang majority vote.
Sa plenaryo, inihayag nina Senador Ralph Recto, Miguel Zubiri, at Sonny Angara na bumoto sila pabor sa kompirmasyon ni Taguiwalo.
Sinabi naman ni Senador Francis "Kiko" Pangilinan, na bumoto para kay Taguiwalo ang mga kasapi ng Liberal Party na nasa CA.
Sa panayam ng mga mamamahayag, sinabi ni Taguiwalo na tanggap niya ang desisyon ng CA. Gayunman, ang naturang pasya ay hindi naman daw sumasalim sa pananaw ng publiko.
“Hindi naman ako nagugulat dahil alam ko, at the end of the day, may desisyon na gagawin. I have served the people well. I gave my all and I am proud to say that my integrity remains intact and I have never once lost sight of the people I have sworn to serve,” ayon sa kalihim.
Patuloy naman daw siyang magsisilbi sa publiko sa kaniyang sariling paraan.
"Hindi dito nagtatapos ang ating laban. Ako naman, serve the people, simula't simula pa, sa iba't ibang arena...Ang sabi ko lang naman mamimi-miss ko sa DSWD, may driver ka at sasakyan. Outside of that, wala na. Sanay naman ako mag-MRT at hindi ko isasangla ang kaluluwa ko para sa ganitong entitlement," anang opisyal.
"Walang forever sa position, pero may forever sa paglilingkod ng bayan, sa integridad, sa commitment at pagmamahal ng bayan," dagdag pa ni Taguiwalo. — FRJ, GMA News