Kahit nagkahiwalay, sinabi ni Gary Estrada na nanatili silang magkaibigan ni Cheska Diaz kung saan mayroon silang anak.

Sa episode ng "Fast Talk With Boy Abunda" nitong Lunes, sinabi ni Gary na mayroon silang co-parenting setup ni Chesca, sa panganay niyang anak na si Kiko Estrada.

Kahit 28 taon na ang lumipas, sinabi ni Gary na nananatili silang magkaibigan ni Chesca, na dating aktres.

"Magkaibigan kami. Definitely. It ended well," sabi ng aktor.

Aminado naman si Gary na bihira silang magkausap ni Cheska dahil may kani-kanila na silang buhay ngayon.

"Actually wala naman kaming masyadong pinag-uusapan. Dahil unang-una, she's married now and I'm married also. 'Pag may problemang malaki na lang siguro 'yong anak namin. If ever," ayon kay Gary na Sparkle actor na rin.

Asawa ni Gary ang aktres na si Bernadette Allyson at mayroon silang tatlong anak na babae na sina Garielle Bernice, Garianna Beatrice, at Gianna Bettina.

Kamakailan lang, kabilang si Gary sa mga veteran stars na pumirma ng kontrata sa Sparkle. —FRJ, GMA Integrated News