Mula sa Hong Kong, masusundan sa Canada ang love story nina Ethan at Joy, ang karakter na pinagbidahan nina Alden Richards at Kathryn Bernardo sa 2019 box office movie na "Hello, Love, Goodbye."

Nitong Linggo, kinumpirma ang sequel ng Hello, Love, Goodbye" na "Hello, Love, Again,” na kauna-unahang team-up ng GMA Pictures at Star Magic para sa isang movie project.
 
Si Direk Cathy Garcia-Sampana, ang magdidirek ng pelikula na planong ipalabas sa mga sinehan sa darating na Nobyembre.

Inilabas din nitong Linggo ang first teaser ng "Hello, Love, Goodbye" na magtatagpo sina Ethan at Joy na mayroong background na may snow.

Madidinig din bilang background music ang "Ikaw at Ako" na inawit nina Moira Dela Torre at Jason Marvin.

Sa media event nitong Linggo, itinuturing ni Alden na katuparan ng pangarap ang upcoming sequel ng "Hello, Love, Goodbye."

"I couldn't be happier today kasi this gave me another motivation, 'yung gigising ka sa umaga na meron kang nilu-look forward, so I'm so excited and very happy that this is happening," he said.

Sinabi naman ni Kathryn na hindi siya mapaniwala na muli siyang maghe-hello sa kaniyang karakter na si Joy.

"We thought we already said our goodbyes, but here we are, saying our hellos," saad ng akres.

Ang "Hello, Love, Again" ay kuwento ng mga OFW na sina Ethan at Joy, na parehong nagsisikap para sa pamilya at may pangarap sa buhay, at umibig sa isa't isa.

Sa pagtatapos ng "Hello, Love, Goodbye," nagpaalam si Joy kay Ethan dahil lilipat siya sa Canada para doon naman magtrabaho.

Pagkaraan ng limang taon, magkikita muli ang dalawa sa "Hello, Love, Again" sa Canada.


—FRJ, GMA Integrated News