Arestado ang isang Japanese na sangkot umano sa modus na pagpatay sa mga incorporator para makuha ang kanilang insurance claims, matapos siyang ituro ng kaniyang gun-for-hire na naaresto noong Enero 2017.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News TV "Balitanghali Weekend" nitong Sabado, kinilala ang suspek na si Kenichirou Kabayashi, 61, na nahuli sa isang operasyon sa Bagbag, Novaliches.

Lumabas ang warrant of arrest sa kaniya matapos ang mahigit dalawang taon matapos maaresto ng PNP-CIDG ang gun-for-hire suspek na si Kirby Patricio Tan sa area ng Las Piñas City.

Sinasabing miyembro ng sindikato ng mga Japanese national na sangkot sa mga kaso ng patayan si Tan.

Nakuha mula kay Tan ang dalawang kalibre .45 na baril at isang granada.

Ikinanta ni Tan sa CIDG ang amo niya umanong si Kabayashi.

"Kenichirou Kabayashi recruits Japanese nationals, and i-insure nila sa isang 'di umano'y kompanya at papatayin nila para ma claim nila ang insurance," pahayag ni Police lieutenant colonel Dennis Guttierez, hepe ng PNP- CIDG, Eastern Metro Manila Unit.

"Yung mga incorporator mismo ang pinapapatay nila kasi 'yun ang mga insured, at 'pag napatay ang isang incorporator, ang magiging beneficiary is 'yung company," ayon naman kay Police Major Romy Lanzarrote, hepe ng CIDG-NCR South.

Huling biktima ng grupo ni Kabayashi ang 42-anyos na si Tatsuya Nakamura, ngunit hindi na nagtagumpay ang "insurance claim" ng kanilang sindikato dahil nabisto na ang kanilang "modus."

"Nagulat po ako, nagulat po. Ako po, hindi ko napatay ang tao na 'yun. 'Yun ang totoo," pahayag ni Tan.  —Jamil Santos/LBG, GMA News