Isang nurse attendant at apat na iba pa ang arestado sa isang buy-bust operation sa Quezon City, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Martes.

Sa basement mismo ng ospital isinagawa ang operasyon kung saan arestado ang nurse attendant na si Emmanuel Liongson na siyang target ng mga pulis.

Ayon sa mga pulis, inginuso si Liongson ng mga nauna nang naarestong suspek bilang source umano ng iligal na droga.

Samantala, kinilala naman ang iba pang naaresto na sina Guardo Herminel, James Dagian, Rommel Tina at Bonifacio Castillo.

Nakuha sa mga suspek ang apat na pakete ng hinihinalang shabu at ilang drug paraphernalia.

Walang pahayag ang mga naaresto. —KBK, GMA News