Dalawang bangkay ng isang lalaki at isang babae ang natagpuan sa bahagi ng Laguna Lake sa Muntinlupa City nitong Sabado.

Sa ulat ni Mao dela Cruz sa Dobol B sa News TV, sinabi ng mga awtoridad ng Muntinlupa City na nakatanggap sila ng ulat mula sa isang bumibiyahe mula Rizal tungkol sa dalawang bangkay.

At nang puntahan ng local government unit, nakita nila ang dalawang bangkay sa may Barangay Alabang.

Dumating na ang pulisya para isagawa ang Scene of the Crime Operation, at inaalam na ang pagkakakilanlan ng mga biktima.

Sa hiwalay na report ni Mao dela Cruz sa Super Radyo dzBB, tinukoy ng mga kamag-anak ang mga biktima bilang mag-asawang sina Alex Tamayo at Emily Tamayo.

Ayon kay Jun Tamayo, may-ari ng palaisdaan na binabantayan ng pinsan niyang si Alex, ilang araw nang nawawala ang mag-asawa at hindi ma-contact sa cellphone.

Kaya Sabado nang bisitahin ni Jun ang palaisdaan, ngunit bago pa man siya makarating sa kaniyang baklad, bumungad sa kaniya ang bangkay nina Alex at Emily.

Dinala na ang mga labi ng mag-asawa sa Our Lady of Loreto Funeral Service para isailalim sa awtopsiya para malaman ang dahilan ng kanilang pagkamatay. —Jamil Santos/KG, GMA News