Magpapalitan ng posisyon sina Vince Dizon at Giovanni Lopez bilang mga kalihim ng Department of Transportation (DOTr) at Department of Public Works and Highways (DPWH), ayon sa Malacañang.
Ito ang inanunsyo ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Lino Cayetano sa isang press briefing nitong Lunes. Ayon sa kaniya, nais ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na, to “put the right people where they can deliver the most.”
“In the President’s own words, ‘We are shifting gears to accelerate reform. Secretary Dizon goes to DOTr to fix the daily commute. Secretary Lopez goes to DPWH to make sure the reforms there last,’” ayon kay Cayetano.
Sa pagbabalik ni Dizon bilang kalihim ng DOTr, inaasahang mapapagaan niya ang araw-araw na pagbiyahe ng mga Pilipino, mapaiikli ang mga pila, at masugpo ang mga fixer sa Land Transportation Office (LTO), ayon kay Cayetano.
Iniutos din ni Marcos kay Dizon na itulak ang pagkompleto sa mahahalagang proyekto sa pampublikong transportasyon.
“At the Department of Public Works and Highways, Secretary Dizon disrupted a system that had protected waste and corruption for years. Thousands of projects are now open to the public, long-unfinished projects are being completed, and a new culture of transparency and accountability has begun to take root,” ani Cayetano.
Samantala, inatasan si Lopez na pabilisin ang mga proyekto sa mga kalsada, tulay, at iba pang imprastraktura ng pamahalaan na kailangan ng mga komunidad sa bansa.
Nang tanungin kung bakit isinagawa ang pagpapalitan ng puwesto, ipinaliwanag ni Cayetano na nais lamang ng Pangulo na magpatuloy ang mga reporma sa pamahalaan para sa kapakanan ng mga tao.
“The President believes that Secretary Banoy Lopez, a CPA, a lawyer, a systems builder, is the right person for that job. Sa kabilang banda naman, kilala natin si Secretary Vince Dizon---he's a known disruptor, a known reformer,” sabi ni Cayetano.
Sinabi rin niya na wala siyang impormasyon kung may iba pang mga indibidwal na pinagpilian para sa mga posisyon. Gayunman, naniniwala siyang kapwa angkop sina Dizon at Lopez sa mga trabahong nais ipagawa ng Pangulo sa dalawang kagawaran.
“Naniniwala ako na simple lang ‘yung batayan ng ating Pangulo. Ano ‘yung trabaho na kailangang gawin? Sino 'yung mga taong pinaniwalaan niyang kaya ‘yung trabahong ito? At ‘yun 'yung naging sa pananaw ko, naging rason doon sa pagpili niya sa dalawang high-performing Cabinet members po natin,” paliwanag ni Cayetano.
Kumpiyansa rin si Cayetano na magiging maayos ang pagpapalitan ng puwesto nina Dizon at Lopez, lalo na habang nagpapatuloy ang mga deliberasyon sa panukalang 2027 national budget.
“I'm sure the transition will be seamless. And I know for a fact na the two are hitting the ground running, and they're working closely together. So wala akong nakikitang problema po,” ani Cayetano. —FRJ GMA News
