Patay sa pamamaril ang isang construction worker sa Quezon City nitong Lunes ng gabi, ayon sa ulat ni James Agustin para sa Unang Balita ng GMA News nitong Martes.

Ayon sa ulat, kasama raw ang biktima na si Dakila Nazareno sa drug watchlist ng Barangay Batasan Hills ngunit hindi pa siya sumusuko.

“Siya ay maglalabas lang po sana ng basura. Ngayon, dumating itong unidentified male riding a motorcycle tapos bigla po siyang pinagbabaril,” sabi ng station duty officer Police Lieutenant Novelson Maanao.

May tama ng baril sa dibdib, tiyan, at likod ang biktima.

Ayon sa pulis, 10 basyo ang nakuha sa lugar ng krimen.

Iniimbestigahan pa ng Quezon City Police District Station 6 kung sino ang salarin at ang motibo sa pagpatay.

Dahil kasama sa drug watchlist ang biktima, sinabi ni Maanao na maaring  pinatay si Nazareno dahil sa onsehan sa droga. — Joviland Rita/RSJ, GMA News