Dinakip ang isang lalaki matapos niyang pagbantaan ang magkapatid na babae na ikakalat niya ang mga edited na maseselang larawan ng dalawa. Ang suspek, nagbanta pang ipapapatay ang mga magulang ng mga biktima.

Sa ulat ng GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, inilahad ng isa sa mga biktima na kinaibigan muna sila ng suspek, hanggang sa padalhan sila ng lalaki ng mga malalaswang materyal, pati ang mga edited na larawan nila.

Hindi pinansin ng mga biktima ang suspek, kaya nagbanta ang suspek sa magkapatid.

Nagpadala rin ng mensahe ang suspek na papatayin daw ang mga magulang ng mga biktima.

Aminado naman ang suspek sa kaniyang ginawa na mahaharap sa reklamong paglabag sa Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009, grave threat at paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012. --Jamil Santos/FRJ, GMA News