Nakita sa loob ng isang kanal ang isang walong-taong-gulang na babae na ilang araw nang nawawala sa Taytay, Rizal. Ang kanal, nasa tapat lang ng bahay ng biktima.

Sa ulat ni Nico Waje sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, sinabing noong Linggo ng gabi nang mawala sa kanilang bahay ang biktimang si Rona Garcia, ng Sitio Tibagan sa Barangay Dolores.

Ayon sa ama ng bata, dakong 9:00 pm ay katabi pa raw niyang natulog ang anak. Pero nang magising siya ng 11:00 pm ay wala na ang anak.

Hindi niya raw nakita ang anak nang kaniyang hanapin, at iniulat na sa barangay ang insidente kinaumagahan.

Nitong Huwebes ng hapon, ilang bata ang nakapansin sa masangsang na amoy at nilalangaw sa bahagi ng loob ng kanal.

Inilawan daw ito ng mga bata at may napansin silang parte ng katawan ng tao.

Kaya ipinagbigay-alam nila ito sa mga nakatatanda, na sila namang tumawag sa barangay.

Nang gibain ang bahagi ng kanal, tumambad na ang bangkay ng biktima na may takip sa ulo at walang saplot pang-ibaba.

Ang naturang kanal kung saan nakita ang biktima ay katapat lang mismo ng kanilang bahay.

Iniimbestigahan na ng mga awtoridad kung sino ang salarin. Isasailalim din sa awtopsiya ang bangkay ng bata para alamin kung ginahasa siya.--FRJ, GMA News