Nagwagi si Alex Eala (6-1, 6-2), laban sa 17-anyos na British wildcard player na si Mika Stojsavljevic sa kanilang paghaharap sa Round of 32 sa Toray Pan Pacific Open sa Japan nitong Lunes.
Kinailangan ng Pinay tennis star na makaligtas sa tatlong break point upang maisara ang Game 7 sa ikalawang set. Dahil sa panalo, umusad si Eala sa Round of 16.
Makakaharap ni Eala sa susunod na round si Talia Gibson, at tatangkaing makapasok sa quarterfinals sa kauna-unahang pagkakataon sa Asian Swing.
Agresibong sinimulan ni Eala ang unang set matapos makalamang ng 5-0 laban kay Stojsavljevic. Gayunman, bumawi ang umuusbong na British star sa ikaanim na game nang magpakawala ito ng dalawang panalong forehand shot upang makuha ang game at manatili sa laban.
Pero gumanti si Eala sa pamamagitan ng sarili niyang forehand shot upang tuldukan ang unang set sa Game 7 at maunang makapuntos.
Gayunman, hindi kaagad sumuko si Stojsavljevic si Eala sa unang dalawang game sa ikalawang set, at napilitan ang Pinay tennis star na makipagpalitan ng mahahabang rally bago ito nakalamang sa 2-0.
Nakuha ni Stojsavljevic, nagwagi sa 2024 US Open Girls' Singles, ang dalawa sa tatlong sumunod na laro na may kasamang isang service ace.
Ngunit bumawi si Eala at nakuha ang huling tatlong game. Nakaligtas siya sa tatlong break point sa Game 7 bago magpakawala ng magkasunod na panalong forehand shot upang masungkit ang Game 8 at tuluyang tapusin ang laban.
Dahil sa panalo, makakaharap ni Eala si Gibson, isang 38-anyos na beteranong manlalaro na kasalukuyang nasa ika-38 puwesto sa ranking ng Women’s Tennis Association (WTA).
--FRJ GMA News

