Rumesponde ang mga pulis sa Angeles City, Pampanga matapos silang makatanggap ng tawag na may mga armadong lalaki na pumasok sa isang bahay. Ang inabutan nilang mga suspek, mga kabaro nilang tauhan pala ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

Sa ulat ni Cj Torida ng Balitang Amianan sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes,  sinabi ni Police Major Jonathan Mostoles, hepe ng CIDG-Angeles City, na madaling araw noong Miyerkules nang makatanggap sila ng tawag tungkol sa umano'y mga armadong lalaki na pumasok sa isang bahay sa isang subdibisyon sa Barangay Balibago.

Sa bahay, inabutan daw nila na nakadapa ang mga biktimang Chinese sa loob ng bahay, at nakabaliktad ang mga gamit.

Sa mga sasakyan ng pulis, nakita naman daw na nakasakay na ang ilang gamit ng mga Chinese at laman ng bahay.

May nakita ring pera sa sasakyan ng mga naarestong pulis na nagkakahalaga ng P300,000 at ilang US dollars.

Lumitaw sa imbestigasyon na ang mga naaresto nila ay mga tauhan pala ng Anti-organized Crime unit ng PNP-CIDG sa Camp Crame.

Ayon umano sa isang biktimang Chinese, inipit sila ng mga pulis at hiningan ng P5 milyon.

Hindi nagbigay ng pahayag ang mga naarestong pulis pero sinabi umano ng mga ito sa imbestigasyon na nasa lugar sila para magsagawa ng buy-bust operasyon na tungkol sa baril, at Chinese ang kanilang target.

Ayon kay Mostoles, nang suriin nila ang kanilang protocol sa pagsasagawa ng operasyon, lumitaw na nagsisinungaling ang mga naarestong pulis.

Isa rin umano sa mga naarestong pulis at nasangkot na noon sa kalagaran ng ilegal na droga sa Olongapo.

Bukod sa reklamong robbery, mahaharap din sa kasong administratibo ang mga naarestong pulis.

Iimbestigahan din ang mga namumuno sa kanila para alamin kung nagkaroon ng mga kapabayaan.

Nauna nang kinondena ni PNP-CIDG Director Major General Ignatius Ferro, ang pagkakasangkot ng mga tauhan ng CIDG sa naturang krimen. --FRJ, GMA News