Inutusan ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang pagkawala ng mga sabungero, na ayon sa pulisya at umaabot na sa mahigit 20 katao.

Ibinigay ni Guevarra ang utos kay NBI officer-in-charge Eric Distor, na kailangang magsumite ng ulat sa kalihim sa loob ng 10-araw.

Una rito, inihayag ng Senado na posibleng magpatawag sila ng imbestigasyon sa susunod na linggo kaugnay sa kasong iniimbestigahan ng pulisya.

Sinabi ng pulisya na nasa 26 katao na ang iniulat na nawawala matapos magpaalam sa kanilang mga kaanak na magpupunta sa iba't ibang sabungan.

Kabilang sa mga nawawala ay isang buntis at ang kaniyang ka-live in sa Laguna. Mayroon ding mga nawawala sa Bulacan, Rizal at Batangas.

Nitong Miyerkules, napag-alaman sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” na mayroon ding isang lalaki na breeder ng manok at "master agent" o humahawak ng patayaan sa online sabong, ang dinukot sa kaniyang bahay sa Laguna ng mga armadong lalaki noong Agosto 2021, at hindi na muling nakita. —FRJ, GMA News