Nahuli-cam ang pagtakas ng dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo na suspek sa pamamaril at pagpatay sa isang lalaki sa Antipolo, Rizal.
Sa ulat ni Bam Alegre sa GTV "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabing 9:00 am nitong Martes, nang mahuli-cam ng CCTV sa Barangay San Jose, ang mga suspek na tumatakas matapos gawin ang krimen.
Ayon sa mga saksi, kahating oras umanong nasa lugar ang biktima na sakay din ng motorsiklo, at tila may kinakausap sa cellphone bago mangyari ang pamamaril.
Hinihinalang dayo lang sa lugar ang biktima dahil hindi siya pamilyar sa mga residente.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang motibo sa krimen, at pagkakakilanlan sa mga salarin.--FRJ, GMA Integrated News
