Binawian ng buhay ang isang delivery rider na nawalan ng malay at natumba sa kaniyang motorsiklo habang nasa kalsada sa Cebu City.

Sa ulat ng GTV Balitanghali nitong Biyernes, sinabing naabutan ng GMA Regional TV Balitang Bistak ang ilang motorista na tinutulungan ang 33-anyos na delivery rider na nakahiga sa kalsada.

Sinusubukan din siyang i-revive hanggang sa dumating ang medical rescue team na nagdala sa kaniya sa ospital.

Ngunit sa kasawiang-palad, idineklara siyang dead on arrival sa pagamutan.

Ayon sa ama ng biktima,residente ng Barangay Bacayan, inatake sa puso ang kaniyang anak, na masipag umanong magtrabaho.

Naulila niya ang kaniyang asawa at dalawang batang anak.--FRJ, GMA Integrated News