Patay ang isang babaeng rider matapos sumalpok sa poste ang minamaneho niyang motorsiklo sa tulay ng Delpan sa Maynila. Ang biktima, may angkas pang bata.

Sa ulat ni Darlene Cay, makikita ang biktima na duguan at wala nang buhay na nakahandusay sa tulay ng Delpan habang umiiyak ang ilan niyang kaanak.

Ang angkas niyang bata, isinugod naman sa ospital ng mga taong nakakita sa aksidente.

Ayon sa isang opisyal ng barangay sa lugar, sinabi ng saksi na mabilis umano ang takbo ng babae sa kaniyang motorsiklo.

Nag-zigzag daw ito bago tumama sa center island sa tulay at sumalpok sa poste.

Tumilapon ang mga biktima sa lakas ng pagkakabangga. Kaagad na isinugod sa ospital ang bata.

Idineklara naman ng rumespondeng rescue team patay na ang babaeng rider nang dumating sila sa lugar.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nangyaring insidente. --FRJ, GMA News