Simula sa Huwebes, Mayo 12, 2022, tataas ang singil sa Manila-Cavite Toll Expressway (CAVITEX).

Sa inilabas na pahayag ng Cavitex Infrastructure Corp. (CIC), sinabi nito na inaprubahan ng Toll Regulatory Board ang kanilang 2011 at 2014 contractual tariff adjustments toll petitions.

Pati na ang add-on toll petition para sa Phases 1 at 2 enhancement works na ginawa sa CAVITEX R-1 Expressway na nakompleto noong 2020.

“The approved petitions translate to P4.62 VAT-exclusive rate per kilometer for Class 1 vehicles; P9.24 for Class 2; and P13.86 for Class 3 vehicles traversing the 6.48-kilometers R-1 Expressway (mula CAVITEX Longos, Bacoor entry to MIA exit, and vice versa) beginning 12:00 a.m. of May 12,” ayon sa kompanya.

Sa bagong toll matrix, ang mga motorista ay magbabayad ng P33.00 para sa Class 1 vehicles mula sa kasalukuyang P25.00; P67.00 sa Class 2 mula sa P50.00; at P100.00 sa Class 3 na dating P75.00.

Magpapatupad naman ang CIC ng rebate program para sa public utility vehicle (PUV) operators at drivers para matulungan sila sa bagong singil sa toll.

"CIC and JV partner PRA will be providing them toll rate reprieve through a rebate program that will allow them to continue enjoying the old rates for the next three months,” ayon sa kompanya. — FRJ, GMA News