Isang rider ang nasawi, habang sugatan ang isa pa matapos na magsalpukan ang kanilang mga motorsiklo sa Sampaloc, Maynila nitong Linggo ng gabi.

Sa ulat ni Daylene Cay sa GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente dakong 7:00 pm sa Barangay 585.

Sa kuha ng CCTV camera, paliko ang isang rider sa Vallejos Street, habang padiretso naman ang isa pang rider.

Pero bago pa makapasok ang rider na papasok sa Vallejos Street, nasalpok na siya ng padiretsong rider na mabilis umano ang takbo.

Sa lakas ng banggaan, tumilapon ang dalawang rider.

Isang duktor na napadaan sa lugar ang tumulong sa dalawang rider. Gayunman, kaagad na nasawi ang padiretsong rider.

Dinala naman sa ospital ang isa pang rider.

Sinabi ng barangay na accident prone area ang pinangyarihan ng aksidente lalo na sa mga naka-motorsiklo.--FRJ, GMA News