Nauwi sa habulan ang paninita ng mga awtoridad sa isang sasakyang nag-beating the red light sa Maynila. Ang tumakas na driver, nakadisgrasya pa.

Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, makikita sa video ang SUV na sumampa sa bangketa para matakasan ang mga humahabol sa kaniya.

Nakilala kinalaunan ang driver ng SUV na si Clint Xerwynn Errol Kho, na tumangging magbigay ng pahayag at sinabing abogado na lang niya ang kausapin.

Sa imbestigasyon, lumitaw na nag-beat the red light si Kho sa bahagi ng Divisoria. Hinabol siya ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) at Manila Traffic Bureau hanggang sa Delpan Bridge sa Intramuros.

Sa kaniyang pagtakas, nakabangga pa umano si Kho ng isang SUV at isang motorsiklo.

“Pinara nila yung suspect, dumere-derecho pa rin nag-beating the red light. Kaya hinabol nila. Paghabol nila paikot-ikot sila sa Lacson hanggang napunta sa Sta. Cruz, doon marami na siyang nabunggo,” sabi ni Police Colonel John Patrick Mañaol, ng MPD Traffic Bureau Investigator.

Mahaharap si Kho sa mga reklamong resistance and disobedience to a person of authority at reckless imprudence resulting in multiple damage to property.— FRJ, GMA News