Nakalikom ng P3 milyon si Senador Sonny Angara sa kaniyang 50th birthday party noong Sabado. Ang nalikom na pondo, mapupunta sa Philippine General Hospital Medical Foundation at matutulong sa mga mahihirap na pasyente.

Kabilang sa mga dumalo sa naturang selebrasyon sina Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., First Lady Lisa Araneta-Marcos, Speaker Martin Romualdez, at iba pang mga kapuwa mambabatas.

"Best part of the night is that we raised over PhP3 million for the PGH Foundation — our chosen beneficiary in lieu of gifts," sabi ni Angara sa post niya sa social media kung saan pinasalamatan din niya ang mga dumalo.

"[God bless] all of you for giving generously... madami po kayong matutulungang mahihirap na pasyente," ayon sa senador na muling nahirang na chairman ng Senate Finance Committee.

Ginanap ang selebrasyon noong Sabado sa Manila Polo Club.

Sa video na ipinost sa Facebook ni Cavite Representative Lani Mercado-Revilla, asawa ni Senador Ramon "Bong" Revilla Jr., makikita si Pres. Marcos na kasama ng mga senador na umaawit ng “You’ve Lost That Lovin’ Feelin,” na theme song sa pelikulang "Top Gun."

Idinepensa naman ni Sen. Raffy Tulfo mula sa mga puna ang mga opisyal na dumalo sa naturang selebrasyon habang marami umanong tao ang problemado sa tumataas na presyo ng mga bilihin.

"Well napaka-killjoy naman 'yung mga nagsasabi niyan dapat inaalam din nila siguro ang reason kung bakit ano ba ang isa sa mga dahilan kung bakit kami nandon," ayon kay Tulfo na kabilang sa mga senador na kumanta kasama ang pangulo.

"Una e tao lang naman kami, marunong din dapat kaming mag-relax 'di ba. And then pangalawa, it was for a cause din from what I've heard nakapag-ipon ng 3 million pesos 'yung party na 'yon at 'yung 3 million pesos na 'yon ibibigay 'yon sa PGH. So may naitulong 'yung party na 'yon hindi lang pagsasayaw-sayaw kundi for a good cause, charity," paliwanag niya.--FRJ, GMA News