Kinumpirma ni Robb Guinto sa isang Facebook Reel na hiwalay na sila ni Yasser Marta. Kasabay nito, itinanggi ng aktres ang mga hinala na hindi siya naging tapat sa kanilang relasyon.

Sa naturang emosyonal na post nitong Lunes, sinabi ni Robb na nasasaktan siya dahil naisapubliko ang kanilang personal na problema.

Ayon sa aktres, nagsasalita siya hindi para linisin ang pangalan niya o ano man, pero nakikita umano niyang nasisira ang kaniyang reputasyon.

Idinagdag pa ni Robb na nadagdagan ang sakit na nararamdaman niya dahil naapektuhan na rin ang kaniyang mga magulang at kamag-anak.

Ayon sa aktres, dapat ay kinausap muna siya ni Yasser bago nito ibinahagi sa publiko ang tungkol sa kanilang relasyon.

“Dapat kami na lang, kami na lang ang nag-usap. Pero kasi ang nangyari parang… bago siya nagsabi in public dapat ako muna yung kinausap niya. Dapat kahit ano kinunsider niya yung feelings ko. Kasi ganun naman kapag magkarelasyon dapat kayo yung nagsosolusyon sa isa’t isa, kayo yung nag-uusap,” emosyon niyang sabi.

Umaasa rin si Robb na makikipag-ugnayan sa kaniya ang Sparkle actor matapos ang interview nito para maipaliwanag ang panig nito at subukang ayusin nang pribado ang kanilang problema.

Idinagdag pa ni Robb na mas gusto niyang sila lang dapat ang nag-usap at walang nang iba pang nakialam at nadamay.

Hinarap din ni Robb ang mga akusasyon at espekulasyon tungkol sa kanilang relasyon, at sinabing naapektuhan siya sa mga komentong nagdududa sa kaniyang katapatan.

Ipinaliwanag niya na marami siyang inaasikasong trabaho, responsibilidad sa pamilya at isang negosyo na sinimulan niya para sa kanilang kinabukasan.

Ayon kay Robb, mag-isa niyang iniintindi ang mga problema sa buhay kaya umaasa siya sa suporta at pang-unawa ng aktor.

“Alam niya na marami akong responsibilidad. Nagbabayad ako ng bahay, ng kotse, pasahod ko sa mga tao, bills, ngayon gumagawa ako ng negosyo. Hindi naman ito para sa akin lang, ginagawa ko ito para sa future namin,” aniya.

Dagdag ni Robb, sinabi niya noon kay Yasser na magiging busy siya kaya hinihingi niya ang pasensiya at pag-unawa ng binata.

Dahil sa pagiging busy, hindi na niya nagawa ang dati niyang pag-u-update at pagpapadala ng mensahe sa aktor nang madalas.

Giit ni Robb, hindi niya niloloko si Yasser.

Ayon pa sa aktres, dapat kinausap ni Yasser ang kaniyang mga magulang kung nais talaga nitong ayusin ang kanilang relasyon sa halip na nagpa-interview.

Nitong nakaraang buwan nang makapanayam sa “Fast Talk With Boy Abunda” si Yasser, at emosyonal na inihayag na may problema sa relasyon nila ni Robb.

Matapos ang naturang panayam sa aktor, nag-post si Robb sa Instagram Stories na nagkukumpirma sa pinagdadaanan nil ani Yasser.

"We are going through something right now, and I believe some things are better handled privately," anang aktres.

"I don't want to speak badly about anyone or disclose private matters just to defend myself. I just hope people can give us the space and respect we need," dagdag niya. "Thank you to those who choose kindness."

Nito lang nakaraang Marso kinumpirma nina Yasser at Robb ang kanilang relasyon matapos na magkasama sa isang pelikula. —Jade Veronique Yap/FRJ GMA News