Dalawang Filipino-American ang kabilang sa 40 katao na nahaharap sa hakbang ng gobyerno ng Amerika na bawiin ang kanilang US citizenship dahil sa iba’t ibang paglabag. Tinawag ng US Justice Department ang naturang hakbang na pinakamalaking denaturalization effort sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Donald Trump.

Inihayag ng US Department of Justice nitong Oktubre 5 na nagsampa na ito ng mga kaso para bawiin ang citizenship sa 40 katao sa iba’t ibang US district court.

Inakusahan ang mga nasasakdal ng “serious offenses,” kabilang ang pagiging ahente umano ng dayuhang gobyerno, voluntary manslaughter, at aggravated sodomy laban sa isang lalaking may special needs.

Ang mga reklamo na isinampa mula Agosto 21 hanggang Oktubre 2, 2026, ang pinakamaraming denaturalization complaint na naisampa sa iisang panahon sa ilalim ng administrasyong Trump.

Sa ilalim ng Immigration and Nationality Act, maaaring bawiin ang citizenship ng isang naturalized US citizen at kanselahin ang certificate of naturalization kung ilegal na nakuha ang citizenship, o nakuha ito sa pamamagitan ng pagtatago ng mahalagang impormasyon o sadyang pagbibigay ng maling pahayag.

Inilista ng US Department of Justice ang 40 indibidwal na nahaharap sa denaturalization proceedings, kabilang ang isang 47-anyos na lalaki mula sa Pilipinas.

Isang reklamo ang isinampa laban sa kaniya noong Setyembre 15 sa US District Court for the Central District of California. Hiniling dito na bawiin ang kaniyang citizenship dahil sa “sexual abuse of a child” na umano’y hindi niya isiniwalat noong iproseso ng kaniyang naturalization.

Ayon sa Justice Department, napatunayang nagkasala siya sa dalawang bilang ng paggawa ng malalaswa o kahalayan laban sa isang batang wala pang 14-anyos, na paglabag sa Section 288(a) ng California Penal Code. Sinentensiyahan siya ng walong taong pagkakakulong.

Sinabi ng Justice Department na naging US citizen ang Pinoy noong Setyembre 2005 matapos na itago ang kaniyang mga krimen sa pagproseso ng naturalization.

Ang isa pang Pilipino na nahaharap sa denaturalization ay 68-anyos na lalaki, na isinampa sa Eastern District of California ang kaso.

Ayon sa kagawaran, pumasok ito sa isang “fraudulent marriage to gain lawful permanent resident status and then used that fraudulent status and lied to immigration officials to obtain citizenship."

Sa 40 reklamong isinampa, 11 ang sangkot ang mula Mexico; tig-apat mula Pakistan at China; tig-dalawa mula Pilipinas, Egypt, Nigeria, at Ghana; at tig-isa mula Cameroon, Colombia, Cuba, India, Peru, Sierra Leone, Venezuela, United Kingdom, Cambodia, Haiti, at isang hindi natukoy na bansa.

Inilarawan ni US Attorney General Todd Blanche ang mga kaso bilang “the largest denaturalization effort in modern history,” at sinabing itinago ng mga nasasakdal ang mahahalagang impormasyon mula sa gobyerno ng US at may mga malulubhang kasong kriminal.

"Every single one of these individuals lied their way into U.S. citizenship," ayon kay Assistant Attorney General Brett A. Shumate of the Justice Department's Civil Division.

"This administration will continue to pursue the largest denaturalization effort in department history to restore trust and integrity in U.S. citizenship. Our message is clear: the United States will not tolerate deception in the naturalization process," dagdag ni Shumate. — Dave Llavanes Jr./FRJ GMA News