Nasabat ng mga awtoridad nitong Miyekules ng umaga ang mahigit 25 kilos na hinihinalang shabu sa isang buy-bust operation sa Quezon City.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita, sinabing isinagawa ang buy-bust operation ng mga tauhan ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) ng Quezon City Police District (QCPD) sa may FPJ Avenue.

Nakasilid umano sa mga teabag ang aabot sa 25.5 kilograms ng shabu at itinago ang teabags sa sako ng bigas.

Tinatayang aabot sa P173,400,000 ang kabuuang halaga ng droga.

Pahayag ni QCPD Director Police Brigadier General Nicolas Torre III, malakihan umano ang operasyon ng suspek na nagde-distribute ng droga hindi lamang sa Metro Manila kundi maging sa ibang probinsiya.

Nanggaling pa umano sa ibang bansa ang droga, ayon sa ulat.

Hindi pa nakapanayam ng media ang suspek. —LBG GMA News