Nagtamo ng mga sugat ang isang motorcycle rider nang masalpok ng isa pang motorsiklo sa Commonwealth Avenue sa Quezon City. Matapos tulungan ng pulisya, nahulihan umano ng ilegal na droga ang rider, ngunit iginiit niyang hindi kaniya ang droga.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes, sinabing dinatnan ng pulisya at rescuers na walang malay ang 32-anyos na lalaki na tumilapon mula sa kaniyang minamanehong motor.
Bago isugod sa ospital ang lalaki, ikinagulat ng pulisya na makita sa shorts nito ang shabu umano.
Habang binubuhat ang lalaki para maisakay sa ambulansiya, nalaglag na rin umano ang iba pang sachet na may lamang hinihinalang shabu.
Nakuha mula sa lalaki ang mga sachet ng shabu umano na 14 gramo na P95,200 sa kabuuan ang halaga.
Sinabi ng pulisya na posibleng ide-deliver ng lalaki ang mga droga nang maganap ang aksidente.
Lumabas sa imbestigasyon na nagtutulak talaga ng droga ang lalaki sa Commonwealth, Holy Spirit at iba pang lugar sa Quezon City.
Matapos magamot sa ospital, dinakip ang suspek, na hirap pang makatayo at may sugat sa iba't ibang bahagi ng katawan.
Pangatlong beses nang nadakip ang suspek dahil sa kasong may kinalaman sa droga.
Sinabi niyang nanggaling siya sa Fairview, at papuntang Batasan Hills nang maaksidente.
"Binangga po ako ng nakasabayan kong motor. Nagulat na lang po ako, nawalan ako ng malay. Paggising ko, meron na silang nakuha sa akin. Hindi po sa akin 'yun," sabi ng suspek.
Nasampahan na siya ng reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. —Jamil Santos/KG, GMA Integrated News