Naaresto sa Pasay City ang isang Chinese na nandukot umano ng dalawang dayuhang babae na ikinulong at ginawang sex slaves.

Nasagip din ng mga tauhan ng Pasay City Police ang dalawang biktima na Cambodian at Vietnamese.

Iniulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Biyernes na na-rescue ang mga biktimang babae at nahuli ang isa sa mga suspek noong Martes, August 23.

Sa inisyal na imbestigasyon, nag-apply umanong maging POGO (Philippine Offshore Gaming Operator) workers ang mga babae, pero iba ang kanilang kinahantungan.

Nahuli ang isa sa mga suspek na Chinese, at nakatakas naman ang kayang mga kasamahan.

Ayon sa mga pulis, ang dalawang babaeng biktima ay bago lamang sa Pilipinas.

Pero front lamang umano ng mga suspek ang gaming operation dahil wala talagang trabaho na naghihintay sa mga biktima dito sa Pilipinas.

Nakumpiska naman sa naarestong suspek ang ilang sachets ng umano'y shabu at isang 9mm na baril. Pero itinanggi ng suspek na sa kanya ang mga ito.

Wala rin daw siyang alam sa pagdukot at panghahalay sa mga biktima.

Kung mapapatunayan ang mga akusasyon, mahaharap sa kasong abduction, rape, at illegal possession of firearms, at paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek.

Patuloy pang pinaghahanap ang iba pang kasamahan ng nahuling Chinese. —LBG, GMA News