Arestado ang isang babae na tinangka umanong kunin ang isang batang limang-taong-gulang na nasa loob ng bahay sa Barangay Old Balara sa Quezon City.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News“24 Oras” nitong Lunes, kinilala ang mga awtoridad ang suspek na si Rusaida Said, na nagpakilalang dating kasambahay daw ng pamilya ng biktima.

Nagpunta lang daw siya sa bahay para kunin ang kaniyang mga gamit. Pero itinanggi ng ina ng bata ang pahayag ni Said.

Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing pumasok ang suspek sa bahay ng biktima dakong 5:30 am nang maiwan ng amain na bukas ang pinto noong Linggo para bumili ng kape.

“Nakita niya ‘yung bata na nakahiga at hinila niya. Naabutan siya ng stepfather ng bata,” ayon kay QCPD-6 station commander Police Lieutenant Colonel Morgan Aguilar.

Mabuti na lamang at dumating din ang amain ng biktima at hindi natangay ng babae ang biktima.

“Tinanong ko kung bakit kinukuha niya ‘yung bata, hinihila mo. Sabi ko, anong dahilan? Ang una niyang sinabi sa akin ay nanghihingi po ng pagkain,” ayon kay Barangay Old Balara captain Allan Franza.

Ayon pa kay Franza, inamin din umano ni Said na binabayaran sila kapag nakakuha ng bata.

“Binibigyan daw sila ng P1,000 [kada bata]. May nabanggit siya na lima raw sila,” anang punong barangay.

Pero itinanggi ni Said ang mga sinabi ni Franza nang makapanayam siya sa loob ng kulungan.

“Para makalanghap ng hangin, sandali lang naman…para po hindi ma-boring [ang bata], ipapasok ko rin siya,” ani Said.

Nagsasagawa naman ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad sa nangyari at aalamin kung may mga kasamahan pa si Said.--FRJ, GMA News