Patay sa pamamaril ang isang traffic enforcer sa Quezon City matapos mapagkamalan umanong carnapper ng isang nagpakilalang pulis, ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita nitong Huwebes.

Batay sa salaysay ng kasama ng biktima, tinatahak nila noon ang EDSA sa gawi ng Roosevelt sakay ng kani-kanilang motorsiklo nang masira ang kaniyang motor.

"Huminto pa kami doon sa gitna kasi may mga trak, tapos tinulak namin hanggang doon sa may gilid. Sabi ko, 'Tol, wait lang,'" salaysay ni Paul (hindi tunay na pangalan)

Habang inaayos daw ang motor ay may isang lalaking lumapit at binaril ang biktimang kinilalang si Edgar Fulero.

Kahit may tama ng bala ay nagawa pa raw ni Fulero na mapatakbo ang motorsiklo niya at nag-counterflow sa EDSA para puntahan ang mga nakapuwestong pulis sa tabi ng Muñoz Market. Pero bago pa raw umabot sa mga pulis ay natumba na si Fulero.

Samantala, naiwan naman si Paul kasama ang suspek. Ayon sa kaniya, pinadapa siya ng suspek at tinutukan ng baril.

"Sabi niya lang, 'Mga carnapper kayo.' Sabi ko naman, 'Hindi carnap 'yan, sir. Kahit tignan niyo pa gamit ko.' Pinakita ko sa kaniya 'yung license ko at registration ng motor ko," ani Paul.

Lumapit pa raw ang suspek sa mga pulis sa lugar at nagpakilalang isa ring pulis.

Nakilala ang suspek na si Lieutenant Felixberto Tikil Rapana, miyembro umano ng Anti-Carnapping Unit ng Manila Police District.

Ayon kay Paul, hindi nila alam na pulis ang suspek dahil hindi ito nakasuot ng uniporme.

"Nagpakilala lang siya doon sa mga tao doon na pulis siya," sabi niya.

Ayon naman sa mga imbestigador, nasa kustodiya na ng Masambong Police Station ang suspek, ngunit wala ito roon nang puntahan ng GMA News.

Sinubukan din ng GMA News na kunan ng pahayag ang mga pulis na rumesponde sa insidente pero hindi raw muna sila magsasalita dahil nagsasagawa pa sila ng imbestigasyon. —KBK, GMA News