Opisyal nang nasa Instagram si Jennifer Lawrence pero nagbigay siya ng babala na kaagad din siyang aalis kapag may nabasang “nega.”

Sa kaniyang kauna-unahang post, nagbahagi ang “The Hunger Games” star ng isang reel kung saan nagbanta siyang isasara niya ang kaniyang account kapag may nagsabi ng anumang negatibo.

"So yeah, I'm giving it a shot, and if anyone says anything negative, I will quit immediately," sabi ni Jennifer. "No questions asked."

"If anyone thinks something mean, I'll know, and I'll quit," dagdag niya.

Ang naturang video, umabot na kaagad sa mahigit 44 milyon ang views. Habang lumampas na sa 6 milyon ang kaniyang mga follower wala pang tatlong araw mula nang buksan niya ang kaniyang IG account.

Samantala, nakatakdang gampanan muli nina Jennifer at Josh Hutcherson ang kanilang mga papel bilang sina Katniss Everdeen at Peeta Mellark, ayon sa pagkakasunod, sa prequel ng “The Hunger Games” na “Sunrise on the Reaping.”

Susundan ng paparating na pelikula ang kuwento ng batang si Haymitch Abernathy, mentor nina Katniss at Peeta sa Hunger Games, habang nakikipaglaban sa sarili niyang 50th Hunger Games, o Second Quarter Quell, 24 na taon bago nagsimula ang Hunger Games ni Katniss.

Nakatakdang ipalabas ang pelikula sa Nobyembre bilang ikalimang installment ng serye, kasunod ng pangunahing trilogy at ng prequel na “The Ballad of Songbirds and Snakes.”

Hermes Joy Tunac/FRJ GMA News