Kulong ang isang lalaking messenger matapos hindi ideposito nang buo sa bangko ang ipinakisuyong P200,000 ng kaniyang katrabaho sa Quezon City. Ang P150,000, ipinambayad niya ng utang matapos matalo sa online sugal.

Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News Unang Balita nitong Biyernes, sinabing lumabas sa imbestigasyon na messenger sa opisina ang suspek, na pinakiusapan ng katrabaho na magdeposito sa bangko ng naturang halaga.

Nakisuyo lang ang biktima dahil personal na pera niya ito at hindi sa kanilang kompanya.

“Nu’ng dineposit niya, inantay siya ng complainant para bumalik, hindi na siya bumalik. Humingi rin sila ng assistance du’n sa police natin. At nu’ng nakita siya sa bahay, nagkaroon sila ng confrontation, at doon niya iprinesent (present) 'yung transaction slip na nagkakahalaga ng P50,000 lang. So nu’ng tinanong siya ni complainant, nasaan 'yung P150,000, doon niya inamin na sabi niya binayad daw niya doon sa mga personal niyang utang,” sabi ni Police Lieutenant Juan Solares, Chief Intel ng QCPD Station 12.

Agad nagreklamo ang biktima matapos matuklasang kulang ng P150,000 ang perang idineposito ng messenger sa bangko.

Hindi na nagbigay ng pahayag ang suspek pero kinumpirma niya sa pulisya na ginamit niya ang pera sa pambayad sa utang.

Gipit umano ang suspek matapos matalo nang malaki sa online sugal.

“Based du’n sa lumalabas sa investigation namin, allegedly, binayad niya sa utang niya. Personal na utang. Pero nu’ng tinanong pa namin, ongoing investigation, lumabas na inamin niya na nalulung siya sa online casino,” sabi ni Solares. – Jamil Santos/FRJ GMA News