Patay ang isang 67-anyos na lalaki matapos mabagok ang ulo habang lumilikas sa sunog sa St. Vincent Street, Barangay Holy Spirit, Quezon City, nitong Lunes ng umaga.

Ayon sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita, isinugod pa sa ospital si Delfin Inerva ngunit idineklara itong dead on arrival.

Sabi ng isang may-ari ng bahay, nagsimula ang sunog sa kuwarto ng kaniyang anak sa ikatlong palapag at kumalat ito sa mga katabing bahay na gawa sa light materials.

Sa ulat ng Bureau of Protection (BFP), nagsimula ang sunog ng 4:54 a.m. at umabot ito sa First Alarm ng 5:01 a.m. Idineklarang Fire Under Control ang sunog ng 5:50 a.m. at Fire Out ng 6:22 a.m.

Nasa 10 bahay at nasa 20 pamilya ang apektado dahil sa sunog.

Rumesponde sa sunog ang nasa 11 fire truck at isang ambulansya, ayon sa BFP. —Joviland Rita/KBK, GMA Integrated News