Nasawi ang isang lalaki matapos siyang pagbabarilin ng mga hindi pa matukoy na salarin nitong Huwebes ng hapon sa Quiapo, Maynila.

Sa ulat ni Luisito Santos sa Dobol B TV, sinabing nakasuot ng kulay itim na t-shirt ang biktima, na humandusay sa Bautista Street.

Tinakluban muna ng karton ang bangkay ng biktima.

Sinabi ng ilang residente na nakarinig sila ng sunod-sunod na putok bago mag-2 p.m.

Ayon pa sa ilan sa kanila, tinangka pa ng biktima na tumakbo paalis sa lugar kung saan siya binaril, bago bumulagta sa bahagi ng Bautista Street.

Kinordon na ng pulisya ang crime scene para magsagawa ng imbestigasyon at matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima at ng mga suspek. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News