Anim katao, kabilang ang isang menor de edad, ang nasawi sa nangyaring masaker sa isang bilyaran sa Brazil. Ang ugat umano ng krimen, ang pagkatalo sa laro ng dalawang suspek at kinatiyawan pa umano ng ibang naglalaro.

Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Biyernes, ipinakita ang video na tila inipon ng dalawang suspek sa isang lugar ang mga biktima at saka pinagbabaril.

Bago ang insidente, napikon umano ang mga suspek sa mga kantiyaw ng iba pang naglalaro matapos silang matalo sa bilyar.

Kumuha ng baril ang mga suspek sa kanilang sasakyan at pinagbabaril ang mga biktima.

Matapos ang krimen, isa sa mga suspek ang sumuko sa mga awtoridad, habang napatay naman sa operasyon ng militar ang isa pa.--FRJ, GMA Integrated News