Binawian ng buhay ang isang traffic enforcer na nakapagsagip pa ng isang siklista matapos siyang masagasaan ng truck sa A. Bonifacio Avenue, Quezon City.

Sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita nitong Huwebes, makikita sa CCTV na pinatigil ng traffic enforcer na si Jeffrey Antolin, 35-anyos, ang mga sasakyan para makatawid ang mga pedestrian.

Gayunman, isang truck ang nagdire-diretso kaya nasagasaan si Antolin. Naisugod pa sa ospital ang enforcer pero nasawi rin kalaunan.

Nakaligtas ang mga inalalayang pedestrian ng enforcer, kabilang ang isang nakabisikleta na tinulak ni Antolin para hindi masagasaan ng truck.

Dahilan ng driver, nawalan umano ng preno ang kaniyang truck.

Pero ayon sa isa pang traffic enforcer na si RJ Paghiligan, mabagal noong una ang takbo ng truck, ngunit biglang bumilis.

Nasa bilangguan na ngayon ang truck driver na si Joel Dimacali, na mahaharap sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide.

Tumanggi munang magbigay ng pahayag sa media ang mga abogado ng kanilang kumpanya.

Humihiling ng hustisya ang mga kaanak ng nasawing enforcer. —LBG, GMA Integrated News