Inaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Martes ang P1 provisional increase sa minimum fare sa public utility jeepneys (PUJs). Epektibo ang kautusan simula sa Linggo, October 8.

Ang desisyon ay nabuo matapos ang isinagawang mga pagdinig kasunod na rin ng mga petisyon ng transport group para sa dagdag-singil sa pasahe bunsod ng patuloy na pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo,  ayon sa ulat ni Glen Juego sa Super Radyo dzBB.

“Effective ng October 8 at 1 in the morning, effective ang increase na provisional remedy. Piso lang po. Ibig sabihin ng provisional, temporary lang ito hanggang hindi pa nag-i-improve and price ng gasolina,” ayon kay LTFRB chairperson Teofilo Guadiz III.

Kasalukuyang P12 ang minimum fare sa PUJs.

Sinabi rin ni Guadiz na magkakaroon pa sila ng mga pagdinig sa susunod na linggo para talakayon ang petisyon ng mga transport group para sa P5 increase na hiling ng PUJs.

Ayon kay Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) Secretary General Renato Reyes, ang taas-singil sa pamasahe ay bunga ng kawalan ng aksyon umano ng gobyerno sa pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

“Kahit kaunting bawas sa buwis, hindi nila magawa. Ayaw nila mabawasan ang pagkukunan ng confidential and intelligence funds. Ang pantawid pasada ay malinaw na hindi sapat kaya kailangan nang magtaas ng pasahe ng mga tsuper,” ani Reyes.

“Dapat kalampagin ang gobyerno kaugnay ng napakalaking buwis sa langis, na bawasan man lang ito upang bumaba ang presyo ng langis at maibaba ang pamasahe sa jeep,” dagdag pa niya.— FRJ, GMA Integrated News