Bistado ang isang lalaking nagpanggap umanong taga-Land Transportation Office (LTO) sa Quezon City matapos siyang ireklamo ng motoristang hinarang niya.

Ayon sa eksklusibong ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes, kumpleto sa uniporme, vest at identification card ng LTO ang suspek na si Jurdinito Macula, 34 anyos.

Inimbitahan si Macula sa police station matapos siyang ireklamo ng isang motorista na hinarang niya sa Barangay Socorro dahil daw sa violation na "unauthorized side mirror."

Humingi raw ng tulong sa mga rumorondang pulis ang motorista matapos walang maipakitang mission order ang suspek.

Sa himpilan ng pulis, napag-alamang hindi tunay na empleyado ng LTO si Macula.

"Ang laman po ng certification ng LTO-NCR (National Capital Region) ay hindi po siya naging empleyado o empleyado ng LTO, kaya peke ho talaga siya," ani Police Lieutenant Colonel Mark Janis Ballesteros, hepe ng Cubao Police Station.

"Ang modus kasi nitong suspek ay mag-isa lang siyang gumagalaw at naka-uniporme ng pang-LTO at naka-vest kaya kung titignan mo, aakalain mo talaga na siya ay miyembro ng LTO," dagdag pa niya.

Tumangging magbigay ng pahayag si Macula, na nahaharap sa reklamong usurpation of authority at paglabag sa Motorcycle Crime Prevention Act. —KBK, GMA Integrated News