Kalunos-lunos ang sinapit ng isang 41-anyos na rider na nahati sa dalawa ang katawan matapos na mabangga ng isang private van sa Pamplona, Camarines Sur.

Sa ulat ni Jessica Calinog sa GMA Regional TV Balitang Bicolandia nitong Lunes, sinabing nahati ang katawan ng biktima mula sa baywang dahil sa lakas ng pagkakabangga na nangyari sa Barangay San Gabriel nitong Linggo.

Ayon sa Pamplona Municipal Police Station (MPS), galing sa Libmanan ang van na minamaneho ng 22-anyos na driver nang mapunta ito sa linya ng biktima at salpukin.

Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ng ilang metro ang rider na naglalako noon ng paninda nitong kakanin.

"Pagbangga, tumilapon 'yung driver ng motor… nahati mismo siya dito sa may baywang,” ayon kay Police Captaine Dulcesimo Alcantara Jr., deputy dhief ng Pamplona MPS.

Nagtamo naman ng minor injuries driver ng van at kasama niya.

Nakadetine ang driver sa himpilan ng pulisya habang hinihintay ang pasya ng pamilya ng biktima kung magsasampa ng reklamo.-- FRJ, GMA Integrated News