Isang babae na anak ng magsasaka ang nanguna sa 278 kadeteng nagtapos sa Bagong Sinag Class of 2024 sa Philippine Military Academy’s (PMA). Anim na babae pa ang kasama niya sa Top 10.

Magna cum laude na nagtapos si Cadet First Class Jeneth Elumba, 24-anyos, na mula sa Surigao del Norte, at mapupunta sa Philippine Army.

Opisyal naman ng barangay sa kanilang lugar ang ina ni Elumba, na nag-aral din sa UP Tacloban College bago pumasok sa PMA.

Sa pangunguna niya sa 2024 PMA class, tumanggap din si Elumba ng mga sumusunod na parangal:

    Presidential Saber
    Philippine Army Saber
    Jusmag Saber
    Australian Defense Best Overall  Performance Award (Army)
    Tactics Group Award and
    Army Professional Plaque

Samantala, ang anim na babaeng kadete na pasok sa Top 10 ay sina:

    Cyril Joy Masculino (4th place)
    Rosemel Dogello (5th place)
    Alexa Mye Balen (6th place)
    Giselle Tong (8th place)
    Danica Marie Viray (9th place), and
    Neriva Binag (10th place)
     

Sumunod kay Elumba ang anak ng tricycle driver na si Mark Armuel Boiles, na sasama sa Philippine Air Force.

Pumangatlo naman sa klase si Kim Harold Gilo, at pang-pito si Floyd Niño Arthur Roxas, na kapuwa sasama sa Philippine Navy.

Sa Philippine Army naman mapupunta ang iba pang pasok sa top 10. —FRJ, GMA Integrated News