Patung-patong na reklamo ang kinakaharap ng isang lalaking sinita dahil sa paninigarilyo sa Caloocan City matapos siyang magwala habang inaaresto ng mga pulis, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes.

Kahit nakaposas na sa Caloocan Police Sub-station 12 ang lalaki ay wala pa rin siyang tigil sa pagsigaw at pagmumura. Ayaw din niya magpa-awat kahit sa kaniyang mga kasamahan.

Dinala sa presinto ang lasing na lalaki dahil sa patung-patong na reklamo kabilang ang physical injuries, direct assault at resistance and disobedience to a person in authority.

"Nagka-conduct tayo ng checkpoint nang mga panahon na iyon nang mapansin ito ng isang pulis natin. Nang titiketan sana sa paglabag sa smoking in public place, naging hostile siya ang nag-umpisa na 'yung pananakit sa mga pulis," ani Police Major Edsel Ibasco, hepe ng Caloocan Police Sub-station 12.

Habang nakakulong ay nadiskubre ng pulisya na may warrant of arrest laban sa 29-anyos na lalaki para sa kasong rape. 

April 2022 raw nang maisampa ang reklamo laban sa lalaki kung saan ang complainant ay isang menor de edad na kamag-anak ng pamilya niya.

Aminado naman ang lalaki na lasing siya.

"Kaya naman ako nakapagsalita nang ganon, ng pangit sa kanila, kasi hindi naman po makatarungan ang ginawa sa akin. Dapat tiket eh ang bungad ng mga otoridad ay posas," sabi ng lalaki.

Alam din daw niya na may warrant laban sa kaniya pero hindi siya nagbigay ng pahayag tungkol dito. "Doon na lang po sa korte namin pag-uusapan," aniya. —KBK, GMA Integrated News