Naaresto na ang suspek sa pag-ambush sa isang opisyal ng Land Transportation Office (LTO) sa Quezon City noong nakaraang linggo, ayon kay Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos.

Sa press conference nitong Lunes sa paglulunsad ng mental health hotline ng Bureau of Fire Protection, hindi muna nagbigay si Abalos ng iba pang impormasyon tungkol sa suspek na isasailalim pa sa inquest proceeding.

“'Yung nangyari doon sa LTO official, si Mercedita Gutierrez, LTO employee, ay meron nang suspek na naaresto na ang ating kapulisyahan,” ani Abalos.

“Mamaya, anytime ngayon, i-inquest na ito. So hintayin na lang po natin 'yung inquest,” patuloy niya.

Pero sinabi ni Abalos, na ang nadakip na suspek ay siyang bumaril sa biktima na sakay noon ng isang van.

Inaalam na rin ng mga awtoridad ang motibo sa krimen at iba pang posisbleng suspek.

Biyernes ng gabi nang barilin si Mercedita Gutierrez, hepe ng Registration Section ng LTO Central Office-QC, sa panulukan ng K-H Street malapit sa Kamias Road, sa Brgy. Pinyahan.

Nakasakay sa motorsiklo ang suspek na nakakuha ng pagkakataon na baril ang biktima habang nakatigil ang sasakyan.

Matapos ang krimen, bumuo ang QCPD, ng Special Investigation Task Group (SITG) para mahuli ang salarin.—mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News