Arestado ang isang 21-anyos na lalaking tricycle driver sa ikinasang drug buy-bust operation ng pulisya sa Barangay Payatas, Quezon City.

Nakuha sa kanya ang 90 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng mahigit sa P600,000.

Ayon sa pulisya, mga concerned citizen ang nag-report sa nangyayaring bentahan ng ilegal na droga sa lugar.  

“Accordingly, masyado na sila naaalarma at nababahala sa kanilang seguridad dahil may mga tao doon at parokyano na hindi nila kilala na dumadayo doon sa kanila partikular 'yung lugar ng ating suspek,” ani Police Lieutenant Colonel Rolando Baula, ang station commander ng Payatas Bagong Silangan Police.

Bukod sa Barangay Payatas, nagbebenta rin daw ng droga ang suspek sa Barangay Commonwealth.

Inaalam pa ng pulisya ang pinaka-source ng shabu.

“Base sa aming impormasyon, nakakaubos siya ng limang bulto sa isang araw so that is 25 grams. Karamihan sa parokyano niya ‘yung mga kapwa niya tricycle driver pati ‘yung mga palero,” dagdag ni Baula.

Pitong buwan pa lang nananatili sa Metro Manila ang suspek na tubong North Cotabato.

Pag-amin niya, nagbebenta siya ng shabu kapalit ng P1,000 kada transaksiyon.

“Ipinag-utos lang po sa akin 'yon na 'yung pagbebenta po. ‘Yung kapatid ko po kasi nasa ospital po. Kailangan po ng pera,” sabi ng suspek.

Mahaharap ang suspek sa reklamong paglabag sa Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. —KG, GMA Integrated News