Tatlo ang nasawi at dalawa pa ang sugatan matapos silang pagbabarilin ng mga suspek na nagpanggap na bibili ng kanilang produkto sa Cotabato City.
Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Kalanganan 2, Cotabato City kaninang umaga.
Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang tatlong biktima—kabilang ang isang 53-anyos na negosyante— dahil sa tinamong mga tama ng bala, habang patuloy na ginagamot ang dalawang iba pa.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na nagtungo sa pinangyarihan ng krimen ang mga biktima para tagpuin ang bibili umano sa kanila ng mga produkto na hindi sinabi kung ano.
Nang makaharap ang mga kausap na limang lalaki na sakay ng pick-up truck, tatlo sa mga ito ang naglabas ng baril at pinaputukan ang mga biktima.
Kaagad ding tumakas ang mga salarin matapos na gawin ang krimen.
Alitan sa pamilya at pangingikil ang kabilang sa mga anggulong tinitingnan ng pulisya bilang motibo sa krimen.
“Sa ngayon, kabilang sa anggulong tinitingnan naming at sinusuri ang posibleng matagal na alitan ng mga pamilya. Pero gayunpaman, posibleng business related (at) extortion din. However, these are still subject for investigation,” ayon kay Police Lieutenant Leslie Quinol, spokesperson, Cotabato City, PNP.
Patuloy ang imbestigasyon at pagtugis ng mga awtoridad sa mga suspek.—FRJ GMA News
