Matapos pumanaw ang kanilang ina dahil sa colon cancer, inako na ng kuyang seaman ang responsibilidad ng pagpapa-aral sa kaniyang nakababatang kapatid na babae, na piniling maging nurse na pangarap din ng kanilang ina. Ang kanilang sakripisyo, nagbunga.

Sa nakaraang episode ng Good News, ipinakilala ang magkapatid na sina Val Gabriellele at Val Rixie Lariego, na makikita ang solidong samahan.

Kaiba sa ibang mga nakapasa sa 2026 Philippine Nurses Licensure Exam na kasa-kasama ang mga pamilya, walang katabing mahal sa buhay si Val Rixie nang malaman niya ang resulta ng pagsusulit.

Wala ang kanilang ina, at nagtatrabaho naman noon sa ibang bansa ang kuya niyang si Val Gabriellele. Kaya ipinagbigay-alam na lamang niya ito sa pamamagitan ng video call. Ang nakatatandang kapatid, emosyonal at proud sa naabot ng tangi niyang bunso.

Namulat sa simpleng buhay ang magkapatid na Val Gabriellele at Val Rixie sa bayan ng Talisay, Cebu. Bata pa lamang sila nang maghiwalay ang kanilang mga magulang, at mag-isa silang itinaguyod ng kanilang Mama Jinky.

“After graduate ni mama nu’n ng college, nagtrabaho lang siya sa profession niya saglit. Tapos siya na ‘yung pinagpatuloy ng letchon business nila ng grandparents ko,” ani Val Rixie.

Pinagsasabay noon ni Mama Jinky ang paghahanapbuhay at pag-aalaga sa kaniyang mga anak, at hands-on pa rin sa kanilang pag-aaral.

Ginapang ni Jinky ang pag-aaral ng kaniyang panganay na si Val Gabrielle hanggang college.

“Sobrang nahirapan kami kasi biglang nag-close 'yung public market. Kaya napilitan kami mag-relocate ng puwesto. Nawala lahat ng suki, lahat ng customer, puro utang na lang si mama nu’n,” ani Val Gabrielle.

Taong 2018 nang makatapos si Val Gabrielle sa kursong Bachelor of Science in Marine Transportation, at agad ding nakasampa ng barko para sa kaniyang apprenticeship.

Ang hindi alam ni Val Gabrielle, may iniinda na palang sakit ang inang si Jinky, na na-diagnose ng colon cancer noong 2019.

“Tumawag ako kay mama. Nagsinungaling pa siya sa akin. Sabi niya, ‘Ah wala lang ito. Ano lang, na-dehydrate lang ako dahil sa init.’ Tinatago niya pa sa akin 'yung sakit niya para 'di ako umuwi,” ani Val Gabrielle.

“‘Yung time na ‘yun, grabe 'yung iyak ko. Ba't 'di niya sinabi? Parang gumuho 'yung mundo ko. Nasira lahat ng plano ko sa buhay,” sabi pa ng kuya.

Nasa barko noon si Val Gabrielle, kaya si Val Rixie ang mag-isang nag-alaga kay nanay Jinky.

Isinangla ni Jinky ang kanilang bahay sa Cebu para may pantustos sa kaniyang chemotherapy. Sa kabila nito, mabilis na kumalat at lumala ang cancer ni Jinky. Si Val Gabrielle, pauwi na rin daw sana noon.

Ngunit taong 2020, 12 oras bago pa umabot si Val Gabrielle sa Pilipinas, namatay na ang kanilang ina.

“'Yung burol na lang naabutan ko, nakapagpasalamat pa ako bago siya ilibing,” saad niya.

Hindi nagtagal, muling nakasampa si Val Gabrielle sa barko habang naging working student si Val Rixie. Magkahiwalay man, mas lalong napalapit ang loob ng magkapatid sa isa't isa.

“Every month, every year nu’n, mas naging strong na 'yung bonding namin. Nakikilala na namin kung ano 'yung type na tao, 'yung isa't isa,” sabi ni Val Rixie.

Inako na ni Val Gabrielle ang responsibilidad na mapagtapos ang nakababatang kapatid.

“‘Di ako nakakabili ng gusto kong damit, 'di ako makabili ng bagong cellphone kahit basag na 'yung cellphone ko,” sabi ni Val Gabrielle sa ginawang pagtitipid sa sarili.

Napili ni Val Rixie na kurso sa kolehiyo ang BS Nursing, na pareho sa yumaong ina.

“Ako magpapatuloy ng profession ng mother ko. Kung sa kaniya parang natigil niya kasi kailangan sa business, ako igo-go ko talaga ito para sa kaniya at para sa sarili ko din,” ani Val Rixie, na pinag-aaral ng kaniyang kuya sa loob ng limang taon.

Sinikap din nilang tubusin ang nakasangla nilang bahay.

Nitong Mayo, nakatapos na si Val Rixie ng pag-aaral.

Sunod namang pinaghandaan ni Val Rixie, ang kaniyang board exam.

“Sobrang pagod na 'yung utak mo, pagod pa 'yung katawan mo kakapila. Never ako pine-pressure ng kuya. Sinasabi niya lang, if kung mag-fail man, e ‘di try tayo ulit,” anang dalaga.

Sa araw ng pagsusulit, inunahan pa si Val Rixie ng kaba at nakatulog pa sa gitna ng exam.

“Halo-halo 'yung pagod niya sa transportation, sa... study, sa pressure, sa pera din. Honestly parang hindi nga talaga ako natulog din. Inunahan ng kaba, inunahan ng overthinking kasi nakasalalay 'yung license,” sabi ni Val Rixie, na sinabi sa kuya na pakiramdam niyang hindi siya papalarin na makapasa ngayong taon.

“Nagse-self-doubt siya kaya baka hindi nga pumasa. Parang nagda-doubt na rin ako. Pero kailangan ko kasing magpakatatag sa time na ‘yun. Kinu-comfort ko siya,” kuwento ni Val Gabrielle.

Sa kabila ng mga pagdududa, nakapasa si Val Rixie sa licensure exam. Kaya hindi naiwasan ng magkapatid na maging emosyonal nang ibalita na ito ni Rixie kay Gabrielle.

“Kasi hindi ko namalayan na habang nagkukuwento, umiiyak ako. Umiiyak na pala si kuya habang nagkukuwento ako. First time ko nga nakita 'yung kuya ko. Sobrang proud niya sa akin,” sabi ni Val Rixie, na alay ang tagumpay sa kanilang nanay Jinky.

“Ma, RN ako Ma. Naka-graduate na 'yung bunso mo at pumasa sa board. Thank you. Kasi binigyan mo ako ng dream. At ako 'yung magpapatuloy sa dream nating dalawa. I love you, ma'am. I miss you. I miss you so much,” naiiyak na mensahe ni Val Rixie sa puntod ng yumaong ina.

Tunghayan sa Good News ang madamdaming mensahe ng pasasalamat ni Val Rixie sa kaniyang kuya na si Val Gabrielle sa sakripisyo nito para sa kaniyang pag-aaral. Panoorin. – FRJ GMA News